"Follow your emotions and desires"

"Panginoon ang musika ng aming buhay"

03/02/2014 12:21

Ako ay  lumaki sa isang simpleng pamilya,walang karangyaan kundi karununga't talento ang tanging sa aming magkakapatid ay ipinamana at pinagyaman.

Dama ko ang kahirapan noon nung kaming limang magkakapatid ay nag –aaral,nandyan yung iisipin muna kung sino muna saming magkakapatid  ang mauunang mabigyan ng pera para sa proyekto na isusumiti sa paaralan.Sa mga bagay gaya ng mga mamahaling laruan,manika,mga libro kami naman ay hindi naging salat ,sapagkat noon ay may nagpapadala naman gaya ng mga kapatid ni papa na nasa ibang bansa. Ngunit sadya talagang napakahirap ng buhay sa Pilipinas at hindi hindi basta basta ang mag paaral,kaming magkakapatid na ang agwat ng edad ay isang taon lamang ay sadyang walang sinuman ang makakapaniwala na kami ay tapos lahat ng kolehiyo at may titulo ng pinanghahawakan. Sadyang napakabait ng Panginoon madami Syang ginamit na instrumento upang matupad naming magkakapatid ang makatapos ng pag aaral. 

Naaalala ko noon nung grade 2 ako ,kumukuha ako ng ice candy sa bahay ng teacher ko upang ibenta sa classroom para maipandagdag sa baon ko mabigyan ko din ang kapatid ko tuwing recess, noong grade 4 naman ako,mahilig nako gumawa ng mga cards,na may mga walt disney characters at ibinibenta ko naman sa mga kaklase ko naaalala ko kahit 3 piso naibebenta ko mga yun,nung grade 5 naman gumawa ako ng mga singsing ,kuwintas mula sa beads na ibinibenta ko sa klase ng sampung piso kasama na ang singsing at kwintas,hanggang sa ako ay nakatuntong ng gradesix ganun padin ang gawi ko para magkaroon ng pera ang bulsa ng palda ko,kumukuha ako ng paninda sa canteen ng paaralan namin at ibinibenta ko sa klase,naaalala ko tinatawag nila akong "karyoka"katunog kasi ng pangalan ko na eureka,madalas din ako gumawa ng ice candy noon sa bahay na inilalako naman ng dalawang nakababata kong kapatid sa mga kapit-bahay namin. Noong 3rd year highschool naman ako nagturo ako ng Keyboard lesson sa isang elementary student,linggo linggo tumatanggap ako ng limang daang piso,pera na nagagamit ko pambili namin ng project ng mga kapatid ko,o kaya naman pambili ng bigas.

Ang aming ina  ay  sadyang napakasipag,mapagmahal at napakatyaga,naaalala ko noon napagkakamalan pa syang guro dahil disente ang kanyang porma, pinapasyalan nya kami noon sa aming silid aralan nung kami ay nasa elementarya,upang bigyan ng pera,at pagkatapos noon  ay balik na ulit sya sa Maynila,nasa sales sya noon kaya sobrang abala sya sa kanyang opisina. Masaya na ako noon makita sya,palagi ang pag aabang ko sa kanya kung kailan sya uuwi muli.  Ang aming ama naman ang syang nanatili sa bahay at nag asikaso samin, sa aming babaunin sa paaralan,panay nga noon,kundi hotdog,mahling o itlog ang madalas naming baunin,o kaya naman ay isda na may sabaw at dahon ng malunggay,si papa ang tagalaba,tagapamalantsa,tagaluto, sa kanya ko lahat natutunan lahat ng gawaing bahay simula ng ako'y nasa elementarya palang, taga hatid sundo din sya  saming magkakapatid,ilang taon din nagtyaga si papa gamit ang bisikleta panghatid sundo samin,halos pagtawanan kami ng mga tao noon,biruin mo ba naman 5 studyante sa isang mountain bike,walang side car. Dumating ang oras na kami ay nagkaroon  tricycle at kalaunan ay pampasaherong sasakyan at gamit  noon sa business  na " Artificial plants" para sa interior decorations,pero hayun ninakawan,bankrupt tuloy.

 Si mama ay nagresigned na sa kanyang kumpanya at nagsimulang  ipagpatuloy ang trabaho bilang reflexologist  naman, yun ang halos bumuhay din samin sa pang araw araw,kahit umuulan man o tirik ang sikat ng araw hindi si mama tumitigil sa pagkayod. Dahil sa sunod sunod kaming magkakapatid,taon taon may nakakatapos sa elementarya at taon taon may tutuntong ng highschool.Kapag may sasabitan ng medalya, sunod sunod din ang pag akyat nila papa sa stage. Na awardan si papa noon bilang best parent of the year nung ako ay nasa grade six. Si papa patuloy padin ang pag asikaso sa amin,pagdisiplina,pagbibigay payo at pag gabay sa aming pag aaral. Isa din sa naaalala ko tungkol kay papa, dahil mahilig talaga syang magtanim kaming mag kakapatid ay may kani kaniyang halamang bayabas na aming dinidiligan,mahilig din si papa sa alagang hayop kung kaya't kami ay sadyang hindi mabubuhay kung walang alaga sa tahanan,naaalala ko noon pinapanood namin kung paano manganak ang aso namin ,gigisingin pa kami ni papa para matunghayan yon.Madalas akong matulog sa dibdib ni papa,madalas ko din panoorin ang pagsikat at paglubog ng araw kasama sya,nasa itaas pa nga kami ng bubong ng sasakyan tuwing sasapit ang dapit hapon. 

Isa sa naaalala kong kalokohan nung bata pa ko , bata palang kasi marunong nako sa gawaing bahay, may ininit na tubig noon ,eh dahil sa puno na ang thermos ,hayun inilagay ko sa pitsel,galing trabaho yata din si papa noon,dali daling uminom sa pitsel,at hayun napaso,ako naman ay nagtago sa damuhan sa takot,at natagpuan naman ng mga kuya ko,at binuhat ako sa magkabilang braso,takot na takot ako,pero nakakatuwang isipin ang mga alala alang iyon. 

Iisa ang paaralan na aming pinasukang magkakaptaid, sa isang pribadong paaralan naman,kaming  5 magkakapatid ay nagsimulang tumugtog ng instrumento at naging banda ng school namin sa tuwing may programa ito ,ako ay 2nd year highschool noon,kaibigan nila mama na mag asawa ang sa amin ay nagturo, sa tuwing matapos ang klase namin diretso na kami doon upang mapag aralan ang mga instrumento,ang lugar nila ay aming nilalakad na magkakapatid rain or shine yun,uuwi kami mga 11 pm na ng gabi,ngunit ang aming mga instrumento ay pawang inimbento lamang,gaya ng gitara na para maging bass guitar ay binawasan ng dalawang kwerdas at drumset naman ay gawa lamang sa timba timba, Ang aking panganay na kapatid ang humawak ng gitara,aking kuya na pangalawa naman ay sa bass guitar,ako ang may hawak ng keyboard,yung sumunod sakin na babae ang aming naging vocalist,at yung bunso ay drummer.

Nagkaroon ng pagkakataon na kami ay nagkaroon ng 50% scholarship,ako ay nasa 3rd year highschool na iyon ay dahilan sa aming pagbabanda, at upang magkaroon kami income noon naisipan naming na tumugtog sa mga okasyon gaya ng kasal,fiesta,kaarawan at mga pagpupulong ng mga pulitiko,dalawang lugar sa isang gabi ,kung kami uuwi galing school diretso na kami sa lugar ng pagpupulong at lipat ulit sa isang lugar hanggang madaling araw na yun at kinabukasan ay pasok ulit sa klase.

Doon naming nakilala ang isang politiko na tumatakbo bilang Mayor, sya ang taong ginamit ng Panginoon upang maisakatuparan naming magkakapatid ang aming pangarap na makapatapos ng pag aaral, sa unang araw ng aming serbisyo sa grupo nya,ni isa sa mga araw ng 45 days na aming pagtugtotg hindi naming inasahan  na kami ay mabibigyan ng pagkakataon na makapag aral ng libre hanggang kolehiyo,yun ang oras na hinding hindi naming malilimutan sapagkat kaming limang magkakapatid ay naging iisa,kasama ng suporta ng aming ama at ina. 

Ang aking kuya na panganay ay scholar na dati pa,sya ay DOST scholar kaya iba ang pinasukan nyang paaralan ,at kaming apat simula sa pangalawa ay iisa ang paaralan hanggang kami ay nakapagtapos,napagsikapan din namin na mapanatiling  maayos ang aming grado ayon sa hinihingi samin upang mapanatili ang scholarship grant.Ngunit sa kabila ng lahat kami ay nanatiling aktibo padin noon sa banda. 

Ang aking panganay na kapatid ay isang licensed mechanical engineer na sa ngayon,pangalawa tapos ng business management at ngayon ay police na,ako ang pangatlo,sa tulong ng Diyos ay isang Nurse,kapatid ko na sumunod sakin na babae,registered nurse at police na din,at yung bunso registered nurse at sa ngayon ay nasa Bureau of Fire Protection.

Ang aming napag aralan ay halos nagamit din namin upang makatulong sa mga kapitbahay namin,nandyan kung kukuhaan namin ng blood pressure ang aming kapitbahay kahit na medyo malayo ang lalakarin ok lang, gayun din ang pagnenebulize sa mga batang hikain sa lugar namin,dati kasi akong hikain noong bata pa ako,kaya meron akong sariling nebulizer sa bahay,sobrang nagpapasalamat ako sa Panginoon at nagamit kaming instrumento upang makatulong kahit sa maliit na paraan. Nakuha din namin sa mga magulang namin ang pagiging matulungin sa kapwa,si papa madalas magdala ng pasyente sa hospital,halimbawa kapitbahay namin na manganganak, naaksidente,hindi makahinga dahil sa TB o hika,o kaya naman nakagat ng aso...si mama naman nagrereflex sa mga tao na minsan wala talagang pambayad,pero patuloy padin nya minamasahe,naaalala ko noon yung isang stroke na matandang babae,hindi makatayo o kahit mga hawak ng mga bagay bagay hindi magawa,sa ginawang pagrereflex ni mama,nakalakad ito at nakahawak na,sa sobrang saya nya ay niregaluhan niya si mama ng isang piling na saging.

Naging strikto man ang aming mga magulang sa amin tanda ko noon kailangan ,alas singko nasa bahay na kaming magkakapatid at kailangan bago matulog gawa na ang takdang aralin. Hindi din ako nakapag boyfriend hanggang sa matapos ako ng college. Natatakot ang bawat mangliligaw sa kanya gayundin sa mga kuya ko. Ngunit sadyang nagpapasalamat talaga ako sa paggabay nila sa amin,dahil kami lahat ay nasa maayos na kalagayan na sa ngayon.

Ang aming mga magulang ay sadyang biyaya ng Poong Maykapal sa aming magkakapatid,kami ay lumaking may takot sa Diyos,may disiplina sa sarili,maging mapagmahal sa magulang,sa pamilya ,sa kapwa.Sobrang pinasasalamatan ko ang nasa Itaas sa lahat ng pagsubok na aming nadanasan.

Kagaya nung nasa 1st year college ako,muntikan na akong mamatay dahilan ng Dengue Hemorrhagic Fever,pinag pray over nadin ako dahil 50-50 ang tsansa ko mabuhay,doon ko lalo naramdaman ang pagmamahal ng Panginoon, ng mga magulang ko,ng pamilya ko,kamag anak at mga kaibigan ko,Salamat sa Panginoon at heto ako namamahagi ng inspirasyon na  hindi ko inaakala na magagawa ko pala.

Walang imposible sa kamay ng Panginoon,pananampalataya ang una sa lahat at paniniwala na kahit ano man ang mangyari ay hinding hindi Niya tayo pababayaan..

Hindi man naging madali ang bawat sandali para saming pamilya,ngunit ang pagsasamahan na maluwalhati ang nagpapatatag dito kahit na may unos man na dumating sa bawat talata.

-eureka

Eureka Bianzon © 2014 All rights reserved.

Create a website for freeWebnode